karendiryasakanto
Kababasa ko lang ng paalala ni Sir Mykel. At gaya siguro ng karamihan sa estudyante niya, naguiguilty din ako sa di ko pag-popost ng kung ano ano sa net. Iisipin siguro ni Sir na ang tamad ko (minsan lang naman) pero hindi iyon talaga ang tunay na dahilan. Hindi rin ang kawalan ng interes sa klase, o ang pinag-uusapan sa klase ang dahilan. Katunayan, gustong-gusto ko ang diskusyon sa klase at sa UP na rin sa pangkalahatan. Malaya kasi na dumadaloy ang usapin, malaya ang talakayan sa klasrum at di na kailangan tumayo sa klase para magsalita. Di mo rin kailangan mag-memorize, basta paandarin mo lang ang common sense mo ay OK na. Nasabi ko ito dahil ibang-iba ang environment o ambience sa isang Katolikong paaralan at lalong lalo na kung ang pinag-aaralan mo ang batas (very restrictive) bilang ISA at RSA na nasasambit kanina sa klase. Maganda ang kombinasyon nila hindi ba?Paaralan, relihiyon at edukasyon na ang gumagawa ay ang estado!
Pero hindi ito ang gusto kong sabihin dahil punto ko talaga ang siyasatin kung bakit wala akong kahilighilig sa computer.Sa panahon kasi ngayon, ordinaryo na ang computer.Gamit na ito sa kung saan saan, sa eskwela,sa opisina at kahit na rin sa bahay. Ngayon maihahanay na ito sa landline, ref, TV, DVD at iba pang kasangkapan. Sa madaling salita, nagiging bahagi na ng ating araw na araw na buhay ang computer. Patuloy din ang lumalawak na role nito sa ating buhay at ang pagiging depende dito ng mga tao. Patunay nito ang hysteria na naidulot nito sa pagpasok ng bagong milenyo at sino ang di makakalimot sa LOVE Virus na pati CIA ay nagambala. Nahuhumaling dito ang mga tao, hindi lang ang mga bata kundi pati matatanda.
Bilib man ako sa teknolohiya nito pero wala pa rin akong tiwala dito. Para sa akin puro artipisyal at temporary lang ang lahat na nangyayari sa virtual na ugnayan na nangayayari sa net at computer. Hanggang ngayon hindi pa rin akong komportable sa chat, email at lalo na ang magsaliksik dito. Hindi lang dahil wala ito sa pisikal na anyo kundi dahil na rin marami ang pwedeng mangloko sa internet. Maari akong mangharass, magpadala ng virus at gumawa ng site na puro kasinungalingan ang laman. Hindi gaya ng libro halimbawa na pati ang amoy nito ay damang-dama mo. Sa net, pati ang relasyon sa pagitan ng mambabasa at awtor ay napaka artipisyal. Nakadepende sa virtual word. At sa isang iglap, dahil lamang sa isang virus, o dahil lamang nag crush ang computer ay maglalaho na. At kung hindi masigasig ang isang mananaliksik, maaring puro mali ang kanyang makukuhang impormasyon.
Sa virtual na mundo, nalulusaw ang panahon at napakabilis ng buhay dito. Isang bagay na mahilig kong ikumpara sa buhay sa siyudad at probinsiya kung saan ako lumaki (opo, promdi po ako na lumaking di kilala sila G.I. Joe, Thundercats, Batman, mga teen stars, etc.). Isang bagay (panahon) na pag nandito ako sa siyudad gusto kung ikahon samantala sa probinsiya, ang isang minuto ay parang isang oras. Mabilis, nakakahilo, na para bang trapik sa EDSA. Sa akin, ito ang buhay sa internet. Madaling pumatay, bumuhay at mamatay ulit. Madali ring magkunwaring patay at magkunwaring buhay. Madaling maging alienated, at magpaka-in. Madaling magpantasya at pagpantasyahan. Madaling manghiram ng pangalan at hiraman ng pangalan. Madaling maging sikat at magpasikat. Nakakalito hindi ba? Kasabay nito, ang ang pagkompromiso sa privacy mo. Malas mo nalang kung ang credit card mo ay ma hack. Malas mo na rin kung isa ka sa mga terorista o rebelde na sinusubaybayan ng CIA.
Isa pa, ang computer, ang net- mga bagay ito na binibigyan ng buhay ng mga taong gumawa nito at gumagamit nito at patuloy na binubuhay ng lipunan. Bagay na walang biological na buhay pero may virtual life. Artipisyal, temporary at kaalinsabay sa pag-agos ng uso sa lipunan. Maaring sabihin na mali ang pahalagahan ang paraan ng ugnayan. Mas nararapat tingnan ang produkto, output, ang laman. Halimbawa, sa chat, ang pagkaka-ibigan o pagiging lover naman ang dapat pag-tuunan pansin at hindi ang medyum. Sa dalawang nag-chachat, ang relasyon at ang nararamdaman ng mga buhay na nilalang ang dapat ikonsidera. Sa akin iba na itong usapin. At marami pa ang dapat pag-usapan.
Ang akin lang, maliban sa pagiging PROMDI, batid ko ang aking nararamdaman at ang dahilan kong bakit di ako nahuhumaling sa internet. Malamang sa huli maiintindihan ni Sir kung bakit hindi lang ang kamahalan ng ng renta ang dahilan, at sa gayon mataas pa rin ang grade ko sa kanya (yehey!!!joke lang)
Monday, May 02, 2005
Subscribe to:
Posts (Atom)