Monday, May 23, 2005

Pagbalik at pagalis


May kung ano ang pumasok sa akin ngayong araw. Naisipan kong mag internet ng wala naman talagang ireresearch, o kaya susulatan. Abormal ito para sa akin dahil di talaga ako mahilig mag internet. Dagdag pa ang walang kwentang kompyuter sa bahay na mas mabilis pa ata ang calculator magprocess ng data.
Siguro lang, namimis ko na ang buhay sa UP kahit isang linggo pa lang na walang pasok. Kahapon nga ng isumite namin ang aming huling gawain, gusto kong sumigaw sa Sunken Garden, gusto kong maglibot at lusawin ang oras habang ninananam ang nakikita sa paligid, gusto kong batiib lahat ng nakakasalubong.
Napamahal na talaga sa akin ang UP. Kahit noong first year pa lang ako (oo, 1999 po yun!!), noong parang morgue pa ang CR sa As, noong nasa may CASAA pa ang reg. at ang pila sa Soc Scie ay pamatay, enjoy pa rin ako dito. Feel at home. Pero naisip ko, hindi naman talaga sa ganda ng lugar o mas lalong hindi sa haba ng pila ang ginusto ko sa UP kundi sa mga taong nakikilala mo at mga gurong inspirado sa pagtuturo. (gaya ni Sir Mykel, Naks!!) Napaka laya ng talakayan, masaya habang natututo sa mga seryosong bagay. Masaya at interesting dahil hindi mawawala sa lesson ng klase ang mabanggit ang mga nangyayari sa paligid. Masaya dahil pinag-uusapan niyo ang sarili, ikaw at ang lipunan, at ang lipunan at ikaw. Totoo ito kahit sa sciences na kurso.

Nagsesenti lang siguro ako dahil ilang araw nalang, babalik nanaman ako sa mundong hindi ko maintindihan, magulo at marahas.Parang isang dimension na gumagawa ng robot na kung ano ang sabihin ng nasa taas ay siya ang susundin. Sa dimensiong ito, puno ng "intellectual arrogance" na pinandidirihan at kinaiinisan. Marahil dahil lamang ito sa iilan. Sana lang, pag bumalik ako dun, maalala ko ang UP at maalala ko, ang mga lessons na may iisa ang sinasabi...dapat may pakialam ka.

Saturday, May 14, 2005

s***!

OK na sana ang araw ko. Katatapos ko lang mag-almusal sa Chowking sa may Starmall na malapit sa sakayan ng MRT kung saan ako sasakay. Habang ninananam ang ang 75 pesos na agahan, kasama ng paglimot na ito ay may kamahalan, binabasa ko naman ang artikulo ni Alden Lauzon tungkol sa pulitika ng McDonalds, Jollibee at kung ano-ano pang nagsulpotang fast food chain, kasama na ang kinakainan ko. Basa, subo, basa, subo…Gawain ko na ito dati dahil spoiled ang katulong naming lalo na pag umaga. Ayaw magluto.
Syet!Alas-otso na. Di ko namalayan ang oras sa sarap ng longsilog at kape. Kumaripas na ako papunta sa may elevator ng MRT at sabay pindot sa sira-sira nang pindutan, Swerte talaga dahil wala akong kasabay at di pangkaraniwang ang ganito. Hindi na parang sardines. Nasa loob na ako at handa na sa mainit at mabagal na elevator ng may biglang bumulaga sa harap ko na babeng naka corporate attire.
“Sandali!” sabi niya. At sa gulat at pagkataranta ko, inipit ko ang paa ko sa may pintuan para di ito magsara. Nalilito kasi ako minsan doon sa keys para sa pintuan at baka kung mali ang napindot ko, hindi siya makakasakay. Nang nasa loob na siya, isasara ko na sana ang pinto nang bigla kong nakita na may dalawa pang nakabuntot sa kanya, humahagos din sa katatakbo para lang maabutan ang elevator. Isang babae na halos kasing edad ko at parang crew pa ata ng Jollibee at isang lalaking mukhang karpentero.Pinindot ko ulit ang di pa nasasarang pinto para sila maka-abot at sa kabutihang palad nakasakay din sila.
Nagulat nalang ako ng biglang naiinis na sinabi ng aleng naka corporate attire, “Stop waiting for them!” Napatingin ako sa kanya dahil alam kong inis siya sa ginawa ko. Napahinto ako, nahilo. Nahilo ako sa sinabi niya at sa oras na iyon, gusto ko sanang sagutin siya pero napatingin nalang ako.
“Ang kapal naman ng mukha mo, kung di rin kita inantay, baka hindi ka rin nakasakay.” “Mahiya ka naman sa sarili mo, mukha ka namang nanay e bakit parang wala kang pakialam sa ibang tao.” Sa isip ko naglalaro ang pag-mumura at pagka-asar sa gawi niyang iyon.
Natanong ko tuloy sa sarili ko ngayon: Ganoon na ba talaga kahalaga ang oras niya na para sa dalawa o tatlong segundo ay wala na siyang pakialam sa iba? Kung mahalaga sa kanya ang oras, hindi rin ba mahalaga iyon sa dalawa pa naming kasama.? Gaano kaya kalaking pera o halaga, ang mawawala sa kanya kung mawalan siya ng ilang segundo? Sabihin nating mas malaki nga ang perang ito dahil nasa opisina siya pero hindi ba parang milyon na rin ang halaga nang piso para sa isang karpentero o crew ng mga fast food chains?
Mas nakakapanggigil pa iyon dahil sa Ingles niya sinabi ito, na para bang gustong niyang ipamukha sa amin na mas mataas ang pinag-aralan niya o edukado siya. Naka corporate attire kasi siya samantalang kami, parang mga gusgusin. E ano ngayon? Hindi naman siya mukhang tisay at hindi rin siya nag-Ingles nang hinabol niya ang pinto ng elevator. Naalala ko tuloy ang nabasa ko kay Marx na ang wika daw ay ideologically charged. Sabagay, kaya nga naman kung gusto mong sabihin na magaling ka, matalino at may pinag-aralan, supistikado, o para-in, mag Ingles ka. Ganun din naman kasi ang tingin natin sa Ingles hindi ba, at sosyal sigurong mag-mura sa Ingles. Parang mas sibilisado ang Ingles na mura kaysa sa Filipino. Iskwater kasing pakinggan ang “putang ina” o “walang hiya ka.” Ganun din naman na ang “shit!” ay mas mabango sa tainga kaysa “tae!”
Cheng! Biglang bumukas ang pinto at nasa taas na pala kami. Biglang naputol ang pag-mumura sa utak ko.
“Hindi bale, sa susunod, iipitin ko na siya ng pintuan,”

Sunday, May 08, 2005

imperialism at cultural imperialism


ayon sa aking madaliang paghalungkat sa depinisyon ng imperyalismo, sinasabi na ang imperyalismo ay ang praktis, gawain, o advocacy ng pagpapalawak ng teritoryo ng isang bansa na maaring direkta halimbawa aktwal na pagsakop sa isang bansa o inderikta sa pamamagitan ng ekonomiya o politikal na paraan. Sa madaling salita, ito ay ang pagdomina sa isang mas malakas na bansa. Ayon na rin dito, kasabay nito ang exploitation for material or economic gain ng imperialistic na bansa sa mga nagiging colony nito. Ang mga bansa na hari ng imperyalismo tulad ng US ay may mataas na antas ng teknolohiya at produksyon at sa patuloy na pagpapalago nito ng ekonomiya nangangailangan ito ng mas malaking merkado at siyempre pa ng mga hilaw na materyales. Dahil kapitalista ang mga bansang ito, malakas itong magprodyus ng surplus na siya rin namang ibinabalik sa mga kolonya nito. Samakatuwid, ang mga kolonya ng imperyalistang bansa ay ang taga-suply ng hilaw na materyales at tagabili rin sa nabuong produkto.Ang masaklap pa nito, mas mahal ito at ang kalakalang ito ang pumapatay sa maliliit na hanapbuhay sa kolonya dahil hindi nito kayang tumbasan ang mga imported na produkto.

Kasabay naman nito ang sinasabing cultural imperialism. Hindi man nito tahasang sinasakop ang isang bansa, tinitigok naman ito sa papamagitan ng imported na kultura, ang set of systems of belief , tradition and action ng isang nasyon. Hinihikayat nito na tangkilikin ang imported na kultura, dahil kung di ka nga naman mahilig sa imported e, papaano naman kikita ang mga surplus na ito? Pinapamukha din nito na mas superyor ang kultura ng imperyalistang bansa kaysa sa kolonya. Kadalasang sa mga elemento din ng kultura at salik lipunan idinadaan ito tulad na nga ng media. At sa pamamagitan nito, patuloy na pinanatili ang kontrol sa mga kolonyang bansa.

Friday, May 06, 2005

CAN THIS BE BLOGGED?




Boy meets girl. Boy and girl fell in love. Boy and girl fight then reconcile, and they live happily ever after.

Ganito ang karaniwang love story. Magsisimula sa pagkakakilala ng mga pangunahing tauhan (minsan masaya, nakakatawa o tragic) at pagkatapos ng conflict ay magiging sila rin. Tried and tested na ito at kabisado ito ng mga film makers, prodyusers at scriptwriter dahil kung di ganito ang fomula, baka langawin lang ito sa takilya. Dahil dapat nga realistic ang dating, may iba pa itong elemento (gaya ng ibang tauhan) na maaring magpatingkad pa sa buong istorya, pero kailangan hindi masasapawan ang bida.

Ang pelikulang “Can this be love?” nila Sandara Parks at Hero Angeles ay tungkol sa isang estudyante na Koreana (Sandara bilang Daisy) na nag-aaral sa may university-belt sa Manila. Isang araw, nanakawan siya at dahil sa kalungkutan, aksidente niyang na-text si Ryan (Hero Angeles) na una niyang nakilala (sa pamamagitan ng text lang) dahil sa ads na idinikit niya para sa ibenebentang cellphone. Nagsimula doon ang pagkakaibigan nila at dinagdagan pa ito ng twist ng magkaalaman na ang typist na kinaiinisan ni Daisy ay si Ryan pala.

Destination…abroad

“Of the pinoy and by the pinoy” talaga ang pellikulang ito. Tadtad ng simbolismo at sa subtle na paraan, inihahayag ng pelikulang ito ang pangkalahatan ng lipunang Pilipino. Mahirap ang pangunahing tauhan dito, si Ryan at pangarap niyang maging nurse upang makapag-abroad. Hindi na bago ito at tunay lamang ang sinasabi ng pelikula. Malakas ang demand ng mga nurses at care takers sa ibayong dagat ( mga first world countries) at isama na rin natin diyan ang mga OFW’s. Ang Pilipinas daw ay isa sa pinakamalakas sa labor export at isa ito sa nagsasalba sa naghihingalong ekonomiya ng Pilipinas. Sa pelikulang ito, wala nang bukambibig ang mga tao, lalo na ang mga kabataan kundi ang pag-aabroad, ang kumita ng dolyar o kahit ang makapag-asawa lang ng dayuhan dahil na rin sa kahirapan. Kahit paulit-ulit itong sinasabi, kahit papaano tumutukoy sa realidad ng lipunan. Kaya nga nagsulpotan bigla ang mga nursing schools na kahit IT schools ay pumasok na rin. Si Ryan at ang iba pang tauhan sa kwento ay iisa. Iisa ang pangarap, ang yumaman sa pamamagitan ng pag-takas sa isang bansang mahirap na tila di naman maintindihan ni Daisy. Mapapansin din sa takbo ng istorya ang tila unti-unting pagkamanhid ng mga kabataan ngayon at pagtrato sa edukasyon bilang paraan lamang para umangat ang kalagayan sa buhay. “Hindi na kailangan matalino basta madiskarte,” sabi nga ng kaibigan niya. “Mataas na grade, equals magandang buhay.” Simplestiko, pero sinasabi rin nito na mababa ang tingin sa tunay na esensiya ng kaalaman. Parang, bakit ka pa mag-aaral kundi ka rin naman yayaman? Kasabay nito, bakit ko nga naman pag-aaralan pa ang humanities, sociology at iba pang kurso na di pag-kakakitaan. Kaya ang pagiging nurse ni Ryan ay di lamang aksidente na nangyari ngunit may esensya din sa pag-sususri. Pinatunayan pa ito ng bigla siyang tanungin ukol sa history ng Pilipinas na di niya masagot na kataka-taka dahil iskolar siya.

Mahalaga rin ang papel na ginampanan ni Tita (caretaker nila Daisy) dahil sa karakter nito hindi lang sa pagpapatawa kundi sa mga pag-aalala nito sa patuloy na pag-alis ng mga Pinoy sa kanilang bayan. Kahit si Daisy, na isang Korean, ay ipinupukol ang tanong na ito. Ano kaya ang mangyayari sa inyo kung lahat ay mag-aalisan? Importante sana ang role ni Tita pero nabawasan ito dahil sa nakakatawa niyang karakter, at pagkahumaling sa Korean telenovela.

Para sa akin, mas kritikal pa ang pagtalakay sa problema nila Sed at Ryan na makapag-abroad kaysa sa problema nito sa kani-kanilang “love problems.” Sinapawan ng huli ang tunay na suliranin na sinubukang ipakita ng pelikula.

Pinakbet

Halo-halo ang mga simbolismo at subliminal na kahulugan ang makikita sa pelikulang ito. Kita dito ang karakter ng panghihikayat, at escapism, virtual reality, ang vicious cycle of hoplessness (na hindi ko na sasabihin para di na pulit-ulit.). Pansinin din ang paggamit ng karakter na bakla ni Roderick Paulate at ang alalay niting tumboy. At gaya ng maraming pelikula, sila ang mga nakakatawa, madaldal at di nararapat seryosohin dahil na rin sa kakaiba nilang sexualidad. Nandiyan din si Tirso Cruz III na maganda ang twist sa bandang huli na umiyak habang nagdradrama ito sa kanyang pag-ibig. Sa una, macho ang dating nito pero sa huli ay bumigay din.

Sa pagitan ng mga pangungusap. Napansin ko rin ang makabagong tugon sa tanong na walang pagmamahal sa bayan ang mga taong umaalis ng bansa para magtrabaho. Ang sagot kasi ng isa sa mga karakter ay ganito, “kahi saan man kami pumunta Pilipino pa rin kami.” Hindi ko na ito palalawigin ngunit may iba pang isyu na pinasadahan ang pelikula na hindi nito sinagot. Na discriminate ba si Ryan pagpunta niya sa Korea gaya sa isa sa mga karakter at scene sa pelikula? And they live happily ever after. Yumaman kaya si Ryan noong magnurse siya? Hindi kaya siya nahirapan mag-hanap ng trabaho o nahirapan sumabay sa pag-dagsa ng libo-libong nurse sa ibang bansa? Hindi kaya abusado ang amo niya? Mala fairy tale ang istorya hindi ba?

Malamang kung ganito, alam na rin natin na kakaiba ito sa pangkaraniwang karanasan ng isang tao bilang indibidwal at bilang kasapin ng lipunan. Sabagay kaya nga kasama pa rin ang pelikula at ang istorya nito sa popular na kultura. Komersyalismo, reproduksyon at teknolohiya.

Monday, May 02, 2005

Kompyuter at ang net

karendiryasakanto
Kababasa ko lang ng paalala ni Sir Mykel. At gaya siguro ng karamihan sa estudyante niya, naguiguilty din ako sa di ko pag-popost ng kung ano ano sa net. Iisipin siguro ni Sir na ang tamad ko (minsan lang naman) pero hindi iyon talaga ang tunay na dahilan. Hindi rin ang kawalan ng interes sa klase, o ang pinag-uusapan sa klase ang dahilan. Katunayan, gustong-gusto ko ang diskusyon sa klase at sa UP na rin sa pangkalahatan. Malaya kasi na dumadaloy ang usapin, malaya ang talakayan sa klasrum at di na kailangan tumayo sa klase para magsalita. Di mo rin kailangan mag-memorize, basta paandarin mo lang ang common sense mo ay OK na. Nasabi ko ito dahil ibang-iba ang environment o ambience sa isang Katolikong paaralan at lalong lalo na kung ang pinag-aaralan mo ang batas (very restrictive) bilang ISA at RSA na nasasambit kanina sa klase. Maganda ang kombinasyon nila hindi ba?Paaralan, relihiyon at edukasyon na ang gumagawa ay ang estado!

Pero hindi ito ang gusto kong sabihin dahil punto ko talaga ang siyasatin kung bakit wala akong kahilighilig sa computer.Sa panahon kasi ngayon, ordinaryo na ang computer.Gamit na ito sa kung saan saan, sa eskwela,sa opisina at kahit na rin sa bahay. Ngayon maihahanay na ito sa landline, ref, TV, DVD at iba pang kasangkapan. Sa madaling salita, nagiging bahagi na ng ating araw na araw na buhay ang computer. Patuloy din ang lumalawak na role nito sa ating buhay at ang pagiging depende dito ng mga tao. Patunay nito ang hysteria na naidulot nito sa pagpasok ng bagong milenyo at sino ang di makakalimot sa LOVE Virus na pati CIA ay nagambala. Nahuhumaling dito ang mga tao, hindi lang ang mga bata kundi pati matatanda.

Bilib man ako sa teknolohiya nito pero wala pa rin akong tiwala dito. Para sa akin puro artipisyal at temporary lang ang lahat na nangyayari sa virtual na ugnayan na nangayayari sa net at computer. Hanggang ngayon hindi pa rin akong komportable sa chat, email at lalo na ang magsaliksik dito. Hindi lang dahil wala ito sa pisikal na anyo kundi dahil na rin marami ang pwedeng mangloko sa internet. Maari akong mangharass, magpadala ng virus at gumawa ng site na puro kasinungalingan ang laman. Hindi gaya ng libro halimbawa na pati ang amoy nito ay damang-dama mo. Sa net, pati ang relasyon sa pagitan ng mambabasa at awtor ay napaka artipisyal. Nakadepende sa virtual word. At sa isang iglap, dahil lamang sa isang virus, o dahil lamang nag crush ang computer ay maglalaho na. At kung hindi masigasig ang isang mananaliksik, maaring puro mali ang kanyang makukuhang impormasyon.

Sa virtual na mundo, nalulusaw ang panahon at napakabilis ng buhay dito. Isang bagay na mahilig kong ikumpara sa buhay sa siyudad at probinsiya kung saan ako lumaki (opo, promdi po ako na lumaking di kilala sila G.I. Joe, Thundercats, Batman, mga teen stars, etc.). Isang bagay (panahon) na pag nandito ako sa siyudad gusto kung ikahon samantala sa probinsiya, ang isang minuto ay parang isang oras. Mabilis, nakakahilo, na para bang trapik sa EDSA. Sa akin, ito ang buhay sa internet. Madaling pumatay, bumuhay at mamatay ulit. Madali ring magkunwaring patay at magkunwaring buhay. Madaling maging alienated, at magpaka-in. Madaling magpantasya at pagpantasyahan. Madaling manghiram ng pangalan at hiraman ng pangalan. Madaling maging sikat at magpasikat. Nakakalito hindi ba? Kasabay nito, ang ang pagkompromiso sa privacy mo. Malas mo nalang kung ang credit card mo ay ma hack. Malas mo na rin kung isa ka sa mga terorista o rebelde na sinusubaybayan ng CIA.


Isa pa, ang computer, ang net- mga bagay ito na binibigyan ng buhay ng mga taong gumawa nito at gumagamit nito at patuloy na binubuhay ng lipunan. Bagay na walang biological na buhay pero may virtual life. Artipisyal, temporary at kaalinsabay sa pag-agos ng uso sa lipunan. Maaring sabihin na mali ang pahalagahan ang paraan ng ugnayan. Mas nararapat tingnan ang produkto, output, ang laman. Halimbawa, sa chat, ang pagkaka-ibigan o pagiging lover naman ang dapat pag-tuunan pansin at hindi ang medyum. Sa dalawang nag-chachat, ang relasyon at ang nararamdaman ng mga buhay na nilalang ang dapat ikonsidera. Sa akin iba na itong usapin. At marami pa ang dapat pag-usapan.

Ang akin lang, maliban sa pagiging PROMDI, batid ko ang aking nararamdaman at ang dahilan kong bakit di ako nahuhumaling sa internet. Malamang sa huli maiintindihan ni Sir kung bakit hindi lang ang kamahalan ng ng renta ang dahilan, at sa gayon mataas pa rin ang grade ko sa kanya (yehey!!!joke lang)